Basagin natin ang katahimikan.
Ang katotohanan ay di-tuwiran. Sa taong bulag, sa taong nagbibingi-bingihan at sa nagtutulug-tulugan, iisa lamang ang tama—ang kanilang sarili. Sila ang pinakamahirap gisingin, silang sa totoo lamang ay gising na sa simula palang. Sila ang mga naliligaw. Kalokohan ang makinig sa nakakasakit sa kanilang damdamin. Kalokohan ang sa kanila’y humingi ng payo. Silang matitigas ang ulo, silang takot lumayo sa nakasanayan.
Sinong banal? Wala. May mga nakikinig lamang sa katotohanan, mga nilalang na sinusubukang maging huwaran at tapat, mga nilalang na pinagsusumikapang maging tao ng liwanag. Yaong alam ang nararapat at nakikinig ng may pagsunod.
Ang damdamin ang kaaway ng katotohanan. Sa taong umiibig, ang taong iniibig ang katangi-tangi. Ang pagkukulang ay di alintana, ngunit gaya ng inaasahan, nagiging manhid sa katotohanan ang nabibiktima nito. Kaya’t makinig hanggat may nagsasalita, gisingin ang sarili hanggat kaya mong gisingin ang sarili. Hindi masamang umibig, hindi lang lahat ng nakikita ng mata ay dapat ibigin at hindi lahat ng nararamdaman ng puso ay tunay at dapat sundin.
—
Ang katotohanan ay nagpapalaya sa taong tunay na naniniwala.

